Dalawang katao ang nasawi matapos tumama ang malakas na magnitude 7.8 na lindol sa bahagi ng Mindanao nitong umaga ng Hunyo 8, ayon sa mga awtoridad sa South Cotabato.
Kinumpirma ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Rolly Doane Aquino na kapwa residente ng bayan ng Tupi ang dalawang nasawi sa insidente.
Batay sa paunang ulat, nasawi ang unang biktima matapos madaganan ng gumuhong debris kasunod ng malakas na pagyanig. Samantala, binawian naman umano ng buhay ang ikalawang biktima matapos atakehin sa puso o makaranas ng cardiac arrest dulot ng matinding takot habang nararanasan ang lindol.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naitala ang sentro ng lindol sa bayan ng Maasim, Sarangani dakong alas-7:37 ng umaga.
Naramdaman ang Intensity 7 sa ilang bahagi ng South Cotabato na nagdulot ng matinding takot at panic sa mga residente.
Patuloy namang nagsasagawa ng assessment at monitoring ang mga lokal na awtoridad upang matukoy ang lawak ng pinsala at matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa mga apektadong lugar.

















