Trahedya ang sinapit ng isang pamilya matapos silang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Nalinan, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, kahapon ng tanghali.
Dead on the spot ang padre de pamilya na si Ibrahim Payapat, isang tricycle driver, habang sa ospital naman nalagutan ng hininga ang kanyang misis na si Zenaida Kusain, 32, at ang kanilang 16-anyos na anak na si Aisa.
Nagtamo rin ng sugat ang isa pa nilang anak, isang 11-anyos na batang lalaki na kinilalang si Makmak, na hanggang ngayon ay nilalapatan pa ng lunas. Ang buong pamilya ay pawang mga residente ng Cotabato City.
Ayon kay Lt. Col. Jopy Ventura, tagapagsalita ng PRO-BAR, sakay ng payong-payong tricycle ang pamilya at binabaybay ang kalsada nang pagbabarilin sila ng suspek.
Patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo at pagkakakilanlan ng salarin.