Binigyang-diin ni Moro Islamic Liberation Front Central Committee (MILF-CC) Chairman at United Bangsamoro Justice Party (UBJP) President Al Haj Murad Ebrahim ang kahalagahan ng nalalapit na kauna-unahang regular na halalan ng Bangsamoro Parliament sa isinagawang international press conference sa Istanbul, Türkiye noong July 25.
Sa kanyang pahayag sa harap ng mga kinatawan ng international media, sinabi ni Murad na ang halalan sa September 14, 2026 ay isang mahalagang yugto sa kasaysayan ng Bangsamoro dahil ito ang unang pagkakataong direktang makapipili ang mamamayan ng kanilang mga kinatawan sa Bangsamoro Parliament.
Ibinahagi rin niya ang naging takbo ng mahigit apat na dekadang Bangsamoro Peace Process at binigyang-diin ang papel ng nalalapit na halalan sa pagpapatibay ng sariling pamamahala at pagpapatuloy ng mga naging bunga ng proseso ng kapayapaan.
Ayon pa kay Murad, mahalagang maging bahagi ang mga Bangsamoro sa demokratikong proseso upang magkaroon sila ng pagkakataong makilahok sa paghubog ng kinabukasan ng rehiyon.
Samantala, ipinakita rin ng naturang press conference ang patuloy na interes ng international community sa usapin ng kapayapaan, demokratikong pamamahala, at pagpapasya ng Bangsamoro para sa kanilang kinabukasan.

















