Pinagtibay ng pamunuan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ng 6th Infantry Division (6ID) ng Philippine Army ang kanilang pagtutulungan upang mapanatili ang kapayapaan at maisulong ang mga natamo sa GPH-MILF peace process.

Ito ay kasunod ng courtesy visit ni bagong 6ID at Joint Task Force Central Commander Major General Edgar L. Catu kay MILF Central Committee Chairman at United Bangsamoro Justice Party (UBJP) President Al Haj Murad Ebrahim sa Camp Darapanan, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, kahapon, Nobyembre 26.

Sa naturang pagbisita, nagpahayag si Catu ng pagkilala sa patuloy na pagsisikap ni Murad at ng pamunuan ng MILF na mapanatili ang kapayapaan at maisulong ang kaunlaran sa Bangsamoro.

Muling tiniyak din ng bagong 6ID commander ang suporta ng kanilang hanay sa mga natamo at mekanismo ng kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at MILF.

Nagpasalamat naman si Murad sa pagbisita ni Catu at nagpahayag ng pag-asang magpapatuloy ang kanilang kooperasyon para sa kapayapaan, pagkakaunawaan at kaunlaran sa rehiyon.

Nagtapos ang pagpupulong sa palitan ng mensahe na nagpapahayag ng kapwa paninindigan ng dalawang panig na palakasin ang ugnayan at pagtutulungan para sa pangmatagalang kapayapaan at katatagan sa Bangsamoro.