Namahagi ang Office of the President (OP) ng kabuuang P33.4 milyong pinansyal na tulong sa 167 barangay sa Agusan del Norte sa ilalim ng programang Bawat Barangay Makikinabang Program (BBMP), na pinondohan sa pamamagitan ng Socio-Civic Projects Fund (SCPF).
‎
‎Pinangunahan ni Special Assistant to the President (SAP) Anton Lagdameo Jr. ang pamamahagi ng tulong nitong Huwebes, Nobyembre 26, sa Butuan City. Bawat barangay ay nakatanggap ng P200,000 na maaaring gamitin para sa mga proyektong pangkaunlaran at iba pang pangunahing pangangailangan ng kanilang komunidad.
‎
‎Bahagi ang programa ng inisyatiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magbigay ng direktang pinansyal na suporta sa mga barangay sa buong bansa sa pamamagitan ng SCPF ng Office of the President.
‎
‎Sa ilalim ng programa, maaaring gamitin ng mga opisyal ng barangay ang inilaan na pondo para sa mga proyektong itinuturing nilang prayoridad sa kanilang mga komunidad, kabilang ang pagbili ng mga kagamitan, pagpapabuti ng serbisyong pampubliko at pagtugon sa iba pang mahahalagang pangangailangan.
‎
‎Ang 167 benepisyaryong barangay ay nagmula sa 10 munisipalidad at isang lungsod sa Agusan del Norte. Pinakamalaking alokasyon ang natanggap ng Cabadbaran City na nagkakahalaga ng P6.2 milyon para sa 31 barangay nito.
‎
‎Kabilang din sa mga benepisyaryo ang Buenavista na nakatanggap ng P5 milyon para sa 25 barangay; Las Nieves, P4 milyon para sa 20 barangay; Nasipit, P3.8 milyon para sa 19 barangay; at Jabonga, P3 milyon para sa 15 barangay.
‎
‎Saklaw din ng programa ang Tubay na may P2.6 milyon para sa 13 barangay; Kitcharao, P2.2 milyon para sa 11 barangay; Santiago, P1.8 milyon para sa siyam na barangay; at Carmen, Magallanes at Remedios T. Romualdez na tumanggap ng tig-P1.6 milyon para sa tig-walong barangay.
‎
‎Dumalo rin sa aktibidad sina Agusan del Norte Governor Ma. Angelica Rosedell M. Amante at Rep. Dale B. Corvera, kasama si Lagdameo. Nakiisa rin sa pamamahagi si Butuan City Rep. Jose “Joboy” S. Aquino II.
‎
‎Sa kanyang mensahe, ipinaabot ni Lagdameo ang direktiba ni Pangulong Marcos na tiyaking makarating ang tulong ng pamahalaan sa mga komunidad, hindi lamang sa malalaking lungsod. Binigyang-diin din niya ang mahalagang papel ng mga opisyal ng barangay bilang mga nangunguna sa paghahatid ng serbisyo publiko.
‎
‎“Malinaw ang bilin ng ating Pangulo: gaano man kalaki o kaliit, gaano man kalapit o kalayo ang isang barangay, dapat itong makinabang sa mga programa ng ating gobyerno,” pahayag ni Lagdameo.
‎
‎Tiniyak din ni Lagdameo sa mga lokal na opisyal ang patuloy na suporta ng pambansang pamahalaan at ang kahanda nitong makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang mailapit ang mga programa at serbisyo publiko sa bawat komunidad.
‎
‎Paulit-ulit din aniyang binibigyang-diin ng Pangulo na ang tunay na sukatan ng isang programa ay hindi kung gaano ito kaganda sa papel o kung gaano kalaki ang pondong inilaan dito, kundi kung nararamdaman ba ng karaniwang Pilipino ang mga benepisyo nito.
‎
‎Layunin ng BBMP na mapakinabangan ng lahat ng 42,010 barangay sa buong bansa ang programa, kung saan bawat isa ay nakalaang makatanggap ng P200,000. Bahagi ito ng pagsisikap ng administrasyong Marcos na palakasin ang pamamahala sa antas ng pamayanan at suportahan ang lokal na pag-unlad.