Umaabot sa 19 na umano’y kasapi ng New People’s Army (NPA) ang nasawi matapos ang matinding engkwentro laban sa militar sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental na nagsimula kahapon ng madaling araw at tumagal hanggang hapon.

Batay sa ulat ng 79th Infantry Battalion ng Philippine Army, kabilang sa mga nasawi si Arnel Tapang, isang mataas na lider umano ng NPA na may patong sa ulo na isang milyong piso.

Ayon sa ulat, natagpuan ang ilang mga bangkay sa isang fishpond area kaya’t tumagal ang isinagawang retrieval operation dahil sa kondisyon ng lugar. Narekober din sa pinangyarihan ang siyam na iba’t ibang uri ng armas.

May isang sundalo namang nasugatan sa engkwentro ngunit agad na naagapan at nasa maayos na kondisyon na ngayon.

Dahil sa tindi ng bakbakan, aabot sa 653 katao o 168 pamilya mula sa tatlong barangay ang pansamantalang lumikas at kasalukuyang naghihintay ng abiso mula sa militar kung ligtas nang makakabalik sa kanilang mga tahanan.

Patuloy pa ang operasyon ng militar sa lugar habang iniimbestigahan ang kabuuang detalye ng insidente.