Naghahanda na ang Armed Forces of the Philippines o AFP ng dagdag na pwersa at military assets sa Lanao del Sur bilang bahagi ng seguridad para sa Bangsamoro Parliamentary Elections sa Setyembre 14.
Kabilang sa ilalagay sa lugar ang Sabrah light tanks, ATMOS 155-millimeter wheeled self-propelled artillery systems, karagdagang ground troops at mga helicopter.
Inaasahang makakadagdag ang mga ito sa sampung batalyong kasalukuyang nakatalaga sa Lanao, habang kabilang din sa follow-on forces ang 29th at 30th Infantry Battalions.
Nakahanay rin para sa election security ang Black Hawk at T129 ATAK helicopters na gagamitin bilang aviation support para sa mobility, surveillance at mabilis na pagtugon ng mga security forces.
Ayon sa AFP, bahagi ito ng regular na paghahanda sa halalan at layuning mapigilan ang posibleng karahasan, pananakot at iba pang banta sa seguridad ng mga residente.
Binigyang-diin ng militar na preventive at protective measure ang deployment at hindi dapat maging dahilan ng pangamba sa mga komunidad.
Sa halip, layunin nitong makatulong sa paglikha ng ligtas na lugar upang malayang makaboto ang mga rehistradong botante nang walang takot o intimidation.
Tiniyak naman ng 1st Infantry o TABAK Division ang patuloy na koordinasyon ng mga pwersa para mapanatili ang kapayapaan at matiyak ang ligtas, maayos at mapayapang pagsasagawa ng halalan sa Lanao del Sur.

















