Nakumpiska ng mga awtoridad ang tinatayang P2.8 milyon na halaga ng umano’y smuggled na sigarilyo sa isang operasyon sa Brgy. Kinudalan, Lebak, Sultan Kudarat noong gabi ng Abril 15, 2026.
Ayon sa ulat, isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Lebak Municipal Police Station katuwang ang 2nd Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company habang nagsasagawa ng police visibility operation sa ilalim ng SILG Safer City Project bandang alas-8:50 ng gabi.
Sa gitna ng kanilang pagroronda, napansin ng mga operatiba ang ilang kahon ng sigarilyo na nakalapag sa labas ng isang warehouse. Dalawang hindi pa nakikilalang lalaki ang umano’y nag-iwan ng mga kahon at agad na tumakas bago pa man dumating ang mga awtoridad.
Sa beripikasyon, lumabas na ang naturang warehouse ay pag-aari umano ng isang alyas Aning, may asawa at residente ng Datu Blah Sinsuat, Maguindanao del Norte, ngunit wala ito sa lugar nang isagawa ang operasyon.
Nakumpiska sa lugar ang kabuuang 66 kahon ng sigarilyo na binubuo ng 46 kahon ng Greenhills Cigarettes at 20 kahon ng Bros Cigarettes, na may kabuuang halagang P2,823,744 batay sa Bureau of Customs valuation.
Dinala ang mga nakumpiskang kontrabando sa Lebak Municipal Police Station para sa tamang dokumentasyon at disposisyon, habang patuloy ang imbestigasyon upang matukoy at maaresto ang mga sangkot sa iligal na aktibidad.
Ayon kay PRO 12 Regional Director PBGEN Arnold P. Ardiente, patunay ang matagumpay na operasyon sa patuloy na pinaigting na police visibility at kampanya laban sa smuggling, na aniya’y sumisira sa ekonomiya at nag-aalis ng nararapat na kita ng pamahalaan.

















