Pinasalamatan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pamahalaan ng Canada sa patuloy nitong pagsuporta sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa West Philippine Sea, gayundin sa pagsusulong ng pandaigdigang batas sa ilalim ng United Nations United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Sa naging pag-uusap ng Pangulo at ni Mark Carney, tinalakay ng dalawang lider ang higit pang pagpapalakas ng estratehikong ugnayan ng Pilipinas at Canada, kabilang ang kooperasyon para sa kapayapaan at katatagan sa rehiyong Indo-Pacific.
Napag-usapan din ang pagpapatuloy ng “Dark Vessel Detection Program” ng Canada, isang inisyatibang tumutulong sa Pilipinas sa pagtukoy ng mga ilegal na aktibidad sa karagatan, kabilang ang illegal fishing, at sa pagpapalakas ng maritime monitoring ng bansa.
Ipinahayag din ni Pangulong Marcos ang hangarin ng Pilipinas na ipagpatuloy ang naturang programa upang higit pang mapahusay ang pagbabantay sa mga katubigan ng bansa.
Kasabay nito, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng patuloy na suporta ng Canada habang ginugunita ng Pilipinas ang ika-10 anibersaryo ng 2016 Arbitral Tribunal Award sa usapin ng South China Sea.
Ayon kay Pangulong Marcos, nagpapasalamat siya sa Canada sa matatag at tuluy-tuloy nitong pagsuporta sa isang rules-based order sa South China Sea, alinsunod sa UNCLOS, at sa pagkilala sa Arbitral Award bilang pinal at may bisa sa ilalim ng pandaigdigang batas.

















