Isinusulong ngayon ang mas matibay na ugnayan sa pamumuhunan sa pagitan ng Pilipinas at Japan sa pamamagitan ng pagpapalakas at pag-amyenda sa Double Taxation Convention ng dalawang bansa.

Sa naganap na dayalogo ng Department of Finance (DOF) at Japanese Embassy, tinalakay ang pangangailangang i-update ang kasunduan upang mas maging angkop sa kasalukuyang kalagayan ng ekonomiya.

Ayon sa pag-uusap, hindi lamang pagbuwis ang layunin ng rebisyon, kundi ang paglikha ng mas maayos na kapaligiran para sa mga mamumuhunan. Binigyang-diin ni Japanese Embassy Minister for Economic Affairs Yokota Naobumi na napapanahon nang repasuhin ang treaty para masiguro ang sustainable economic growth ng parehong bansa.

Layunin din ng hakbang na ito ang magkaroon ng mas patas na sistema ng pagbubuwis, na inaasahang magpapabilis sa pagpasok ng negosyo at kapital mula Maynila hanggang Tokyo.

Nagpahayag naman ng pasasalamat at kompiyansa ang dalawang panig sa patuloy na pagpapalakas ng ugnayan, partikular sa aspeto ng fiscal cooperation at maayos na pagbubuwis.