Sa kabila ng matinding hamon at mga pinagdaanang kabiguan, matagumpay na nasungkit ni Al-ghamidie “Obang” Jingkatal Hamja, 17-anyos student-athlete mula Tumahubong National High School sa Basilan, ang gintong medalya sa Secondary Boys Pencak Silat Tanding Category E sa Palarong Pambansa 2026 na ginanap sa Eutiquo O. Bade Sr. Sports & Cultural Center sa Poblacion, Rosario.
Dating itinuturing na malayo pa ang kaniyang pag-abot sa national stage, nagsimula si Obang sa Wushu noong Grade 8 ngunit kalauna’y lumipat sa Pencak Silat matapos maramdaman ang higit na pagkahilig at direksyon sa naturang sports. Mula noon, unti-unting nahubog ang kaniyang kakayahan hanggang sa tuluyang makapasok sa Palarong Pambansa.
Hindi naging madali ang kaniyang paglalakbay matapos ma-disqualify noong nakaraang taon sa isang laban na muntik na sana niyang masungkit ang tiket patungo sa national competition. Sa kabila nito, pinili niyang bumalik at magpatuloy sa pagsasanay sa halip na sumuko.
Ayon sa kaniyang coach na si Norben D. Cachuela, nanatiling matibay ang tiwala nito sa atleta. “Kilala ko yung player ko. Alam kong kaya niyang bumalik,” aniya.
Sa kasalukuyang edisyon ng Palarong Pambansa, dumaan si Obang sa mabibigat na laban kontra Regions 2, 8, at 10 bago tuluyang umabot sa championship round. Bago ang final match noong Mayo 29, 2026, isinailalim siya sa pahinga ng medical team dahil sa pagod na dulot ng sunod-sunod na laban.
Sa gitna ng pisikal na pagod at bigat ng kompetisyon, nanatiling nakatuon ang kaniyang isip sa iisang layunin ang makuha ang gintong medalya para sa kaniyang pamilya, coach, at sa mga patuloy na naniniwala sa kaniya.
Ibinahagi rin ng atleta na hindi naging hadlang ang kaniyang pinagmulan at mga pagsubok, kabilang ang pagsasanay habang isinasabuhay ang disiplina ng pag-aayuno at panalangin sa panahon ng Ramadan, gayundin ang limitadong pasilidad sa kanilang lugar.
Sa huli, ang kaniyang determinasyon ang nagdala sa kaniya sa tagumpay, kung saan tuluyang nasungkit ni Obang ang kauna-unahang gintong medalya para sa kaniyang rehiyon sa edisyong ito ng Palarong Pambansa.
Para sa batang atleta mula Basilan, ang tagumpay ay hindi lamang medalya, kundi patunay ng tiyaga, paniniwala, at pagpapatunay na ang mga pangarap ay nakakamit sa kabila ng mga laban sa loob at labas ng arena.

















