Isa nang upper-middle-income country ang Pilipinas matapos itong opisyal na isama ng World Bank sa hanay ng mga bansang may mas mataas na antas ng kita batay sa pinakahuling pagsusuri nito.
Lumabas sa ulat na naabot ng bansa ang gross national income (GNI) per capita na 4,850 U.S. dollars, na lampas sa itinakdang 4,636 U.S. dollars na minimum upang mapasama sa naturang income classification.
Ayon sa Department of Economy, Planning, and Development o DEPDev, bunga ito ng matatag na paglago ng ekonomiya sa mga nakalipas na taon, maayos na pamamahala sa pananalapi ng bansa, at pagpapatuloy ng iba’t ibang repormang pang-ekonomiya.
Mula 2021 hanggang 2025, naitala ang average na 5.8 porsiyentong paglago ng gross domestic product o GDP, habang tumaas naman ng 8.5 porsiyento ang GNI per capita noong 2025, dahilan upang maabot ng Pilipinas ang bagong antas ng kita.
Ayon kay Arsenio Balisacan, kalihim ng DEPDev, sumasalamin ang bagong pagkakakilanlan ng bansa sa kakayahan nitong mapanatili ang paglago ng ekonomiya kahit humaharap sa iba’t ibang pandaigdigang hamon.
Inaasahan din ng pamahalaan na mas lalakas ang kumpiyansa ng mga lokal at dayuhang mamumuhunan, mapapabuti ang credit standing ng bansa, at makaaakit ng mas maraming pamumuhunan na magbubukas ng karagdagang oportunidad sa trabaho.
Bagama’t posible umanong mabawasan ang ilang pautang na may mababang interes mula sa mga development partners dahil sa bagong income classification, sinabi ni Balisacan na mas malaki pa rin ang magiging pakinabang nito sa pangmatagalang pag-unlad ng ekonomiya at sa pagpapalawak ng oportunidad ng Pilipinas sa pandaigdigang merkado.
Binigyang-pugay rin ng kalihim ang mahalagang ambag ng mga Overseas Filipino Workers o OFWs sa patuloy na pag-unlad ng ekonomiya. Gayunman, iginiit niyang nananatiling layunin ng pamahalaan ang paglikha ng mas maraming de-kalidad na trabaho sa loob ng bansa upang ang pagtatrabaho sa ibang bansa ay maging isang pagpipilian na lamang, at hindi na isang pangangailangan.
Sa huli, tiniyak ng pamahalaan na ang pangunahing layunin nito ay maisalin ang benepisyo ng patuloy na pag-unlad ng ekonomiya sa mas maraming Pilipino sa pamamagitan ng inklusibong paglago at mas magandang kabuhayan.

















