Pormal nang sinampahan ng kaso ang pitong kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) at dalawang opisyal kaugnay ng umano’y marahas na hazing incident na naganap sa Silang, Cavite, kung saan gumamit pa ng muriatic acid laban sa mga plebes.

Ayon sa ulat ng Police Regional Office 4-A, kabilang sa mga kinasuhan ang limang 3rd Class Cadets at dalawang 2nd Class Cadets na sinasabing direktang sangkot sa insidente.

Kasama rin sa mga isinailalim sa kaso ang isang Tactical Officer na may ranggong Police Major at isang Tactical Police Non-Commissioned Officer na may ranggong Police Senior Master Sergeant, dahil sa umano’y kapabayaan sa pagbabantay at pagpapatupad ng disiplina sa loob ng akademya.

Isinampa ang reklamo ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Office of the Prosecutor sa Imus City.

Batay sa imbestigasyon, naganap ang insidente noong April 3 sa loob ng PNPA barracks sa Silang, kung saan tatlong kadete ang umano’y direktang nagbuhos ng muriatic acid sa mga plebes na nagdulot ng matinding paso sa kanilang likod at iba pang bahagi ng katawan.

Naaresto naman sa follow-up operations ang tatlong kadete na tinutukoy na pangunahing suspek.

Samantala, lumabas din sa imbestigasyon na may ilang kadete na nakasaksi sa insidente ngunit hindi umano agad nakialam o tumulong upang pigilan ang pananakit.