Posibleng humarap muli sa panibagong taas-presyo ang mga motorista sa susunod na linggo matapos ang inaasahang dagdag-presyo sa diesel at gasolina bunsod ng patuloy na pangamba sa suplay ng langis sa pandaigdigang merkado.
Batay sa pinakahuling pagtataya mula sa industriya ng langis gamit ang galaw ng Mean of Platts Singapore o MOPS at foreign exchange trading nitong mga nakalipas na araw, tinatayang madaragdagan ng P1.00 hanggang P1.30 kada litro ang diesel.
Posible rin umanong tumaas ng P1.20 hanggang P1.50 kada litro ang presyo ng gasolina.
Ayon sa mga source sa oil industry, nananatiling mataas ang pressure sa presyo ng diesel dahil sa pagmahal ng krudo sa world market at patuloy na agam-agam sa suplay ng langis kasunod ng umiiral na tensyon sa Gitnang Silangan.
Samantala, inaasahang mananatiling mataas din ang presyo ng gasolina dahil sa limitadong global supply at pagtaas ng demand, partikular sa Estados Unidos habang nagsisimula ang peak summer season.
Bagama’t nakitaan ng bahagyang pagbaba kamakailan ang presyo ng krudo kasunod ng mga positibong development sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Amerika at Iran, nananatiling pabago-bago ang oil market dahil sa kawalan pa rin ng katiyakan sa geopolitical situation sa rehiyon.
Karaniwan namang inaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang price adjustments tuwing Lunes at ipinatutupad ito pagsapit ng Martes.

















