Isang joint operation ng mga awtoridad noong umaga ng Pebrero 3, 2026 ang nagresulta sa pagkaka-aresto ng isang suspek sa droga at pagkakasamsam ng ilegal na droga at loose firearms sa Barangay Palian, Tupi.

Bandang 7:57 ng umaga, pinangunahan ng Tupi Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit, at 1st South Cotabato Provincial Mobile Force Company SWAT Team ang implementasyon ng Search Warrant na inisyu ng Regional Trial Court, Polomolok, South Cotabato noong Enero 27, 2026.

Ang warrant ay ipinatupad laban sa suspek na kilala sa alyas na “Kwas”, residente ng Barangay Palian, Tupi, na agad na inaresto.

Narekober sa operasyon ang lima (5) heat-sealed na plastic sachet na naglalaman ng tinatayang 10 gramo ng shabu na may estimated street value na Php 68,000, na nakalagay sa isang black belt bag. Kasama rin sa nasamsam ang isang .45 caliber Colt pistol na may magazine na may limang (5) bala; 21 live rounds ng .45 caliber sa isang black pouch; at 18 live rounds ng .22 caliber sa loob ng empty cigarette pack, kasama ang isang gray sling bag at black holster.

Dinala sa Tupi Municipal Police Station ang suspek at mga nakuhang ebidensya para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.

Ayon kay PBGen Arnold P. Ardiente, Regional Director ng Police Regional Office 12, “Ang matagumpay na operasyon na ito ay hindi lamang nakapag-alis ng ilegal na droga sa sirkulasyon, kundi nakaiwas din sa posibleng panganib na dulot ng loose firearms sa komunidad. Patuloy ang aming operasyon upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mamamayan ng Tupi at buong South Cotabato.”