Muling nanawagan sina Mayor Akmad Mitra Ampatuan at Vice Mayor Mohamad Akmad B. Ampatuan, Jr. sa publiko na maging mahinahon at mapagmatyag matapos ang nakagugulat na pananambang na ikinasawi ng limang pulis mula sa Maguindanao del Sur Provincial Mobile Police Force at ikinasugat ng iba pang kasamahan.

Ayon sa ulat, naganap ang pananambang malapit sa Camp Datu Akilan Ampatuan, kung saan naka-base ang Maguindanao del Sur Provincial Police Office. Ito na ang ikatlong insidente ng pananambang sa naturang daanan simula noong 2018. Matatandaang Enero 25, 2026, nang tambangan din ang alkalde habang bumabagtas sa kalsadang patungo sa PNP headquarters, at sa mga nakaraang insidente noong 2018 at 2023, dito rin tinarget ang mga kapulisan na nagpapatrolya.

Bilang tugon sa banta, nag-rekomenda ang alkalde sa pamunuan ng PNP na maglagay ng detachment sa naturang lugar at nilagyan ito ng solar streetlights upang mas maprotektahan ang kalsada at paligid. Tiniyak ng bise alkalde sa publiko: “Para sa kaalaman ng mga biyahero, walang dapat ipangamba sa pagdaan sa national highway sa ating bayan. Ligtas ang lahat, huwag matakot.”

Pinanatili ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng pamumuno nina Mayor at Vice Mayor Ampatuan ang kanilang tungkulin para sa kaligtasan ng mga kababayan at patuloy na isinasagawa ang mga hakbang upang maprotektahan ang publiko. Hinihikayat ang lahat na maging alerto at agad ipagbigay-alam sa awtoridad ang anumang kahina-hinalang kilos upang maiwasang maulit ang ganitong insidente.

Magkakaroon ng emergency MPOC meeting ngayong araw upang talakayin ang mga karagdagang hakbang na dapat gawin sa hinaharap. Ipinapaabot rin ng mag-amang lider ang kanilang taus-pusong pakikiramay sa mga naulilang pamilya ng mga pulis at tiniyak na gagawin ang lahat upang mabilis matukoy at papanagutin ang mga may sala.