Natukoy na ng mga awtoridad ang suspek sa pamamaril na ikinasawi ng isang babae sa Barangay Bulalo, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, kagabi June 3, 2026.
Kinilala ang biktima na si Sadia Talib Upam, nasa hustong gulang at residente ng Barangay Macaguiling sa naturang bayan.
Ayon kay PLTCOL Esmael Madin, hepe ng Sultan Kudarat Municipal Police Station, agad na naglunsad ng manhunt operation ang kanilang hanay upang matunton at maaresto ang suspek.
Samantala, nakarekober ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng tatlong basyo ng bala sa pinangyarihan ng insidente na magsisilbing bahagi ng ebidensya sa kaso.
Dagdag pa ng opisyal, tukoy na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek at patuloy ang hot pursuit operation para sa agarang pagdakip dito.
Isa sa mga sinisilip na anggulo ng mga imbestigador ay posibleng motibo ng pagnanakaw.
Batay sa salaysay ng anak ng biktima, may dala umanong P200,000 cash ang kanyang ina bago ang insidente na nagmula umano sa pagbebenta ng kanilang bahay.
Nanawagan din si PLTCOL Madin sa suspek na sumuko na lamang at harapin ang kinakaharap na kaso habang nagpapatuloy ang operasyon ng mga awtoridad.

















