Pinaigting ng Task Force 92 ang seguridad sa ilang lugar na itinuturing na areas of concern sa Special Geographic Areas o SGA ng BARMM bilang paghahanda sa Bangsamoro Parliamentary Elections sa Setyembre 14, 2026.

Idineploy ang mga tauhan ng TF92 sa mga lugar na sakop ng Area of Operations ng 602nd Infantry Brigade, partikular sa mga nasasakupan ng 40th Infantry “Magiting” Battalion at 33rd Infantry “Makabayan” Battalion.

Bahagi ito ng hakbang ng 1st Brigade Combat Team at Joint Task Force Central para mapanatili ang seguridad at kaayusan bago at habang isinasagawa ang halalan.

Bilang combined arms unit, binubuo ang TF92 ng iba’t ibang warfighting functions na nakatuon sa koordinado at mabilis na pagtugon sa mga pangangailangan ng operasyon.

Layunin ng deployment na palakasin ang seguridad sa mga lugar na tinukoy bilang areas of concern at maiwasan ang mga insidenteng maaaring makaapekto sa kaligtasan ng mga botante at election personnel.

Tiniyak naman ng task force na mananatiling propesyonal, disiplinado at non-partisan ang mga tauhan nito sa pagtupad ng kanilang tungkulin alinsunod sa mandato ng Armed Forces of the Philippines.