Nanawagan ang liderato ng Timuay Justice and Governance o TJG sa lahat ng Baglalan at seonomon na manatiling mahinahon sa gitna ng hindi pagkakaunawaan kaugnay ng proseso sa pagpili ng Non-Moro Indigenous Peoples o NMIP representatives sa Bangsamoro Parliament.
Sa isang pahayag, sinabi ng TJG na nakakalungkot umano ang naging tono ng rationale para sa Tribal Congress, na dapat sana ay magsilbing mapayapa at konstruktibong pagtitipon ng mga Teduray para sa konsultasyon at dayalogo hinggil sa pagpili ng kanilang mga kinatawan.
Ayon sa grupo, mahalagang harapin ang mga kasalukuyang isyu batay sa tamang konteksto at panatilihin ang pagkakaisa ng mga Teduray sa mga usapin tulad ng seguridad, lupa, kultura at sariling pamamahala o self-governance and empowerment, na kinikilala bilang Indigenous Political Structure o IPS.
Kabilang dito ang Kesefanangguwit Timuay o Timuay Justice and Governance, na ayon sa TJG ay nakabatay sa tradisyon at keadatan ng mga Teduray.
Iginiit din ng grupo na noong Enero 2026 ay naipasa sa Bangsamoro Parliament ang amyendahan sa BAA 35, na naging BAA 88, kung saan nakasaad ang proseso sa pagpili ng NMIP Reserved Seats at ang pagsunod sa customary process.
Kinuwestyon ng TJG kung bakit hindi umano nakonsulta ang mga Indigenous Political Structures o IPS sa BARMM upang magkaroon sana ng mas mahabang talakayan hinggil sa proseso.
Batay naman sa tala ng COMELEC-BARMM, nagsimula umano ang TJG noong Hulyo 3, 2026 sa pagproseso ng mga kinakailangang gawain alinsunod sa COMELEC Resolution No. 11235 na inilabas noong Hunyo 17, 2026.
Binanggit din ng grupo ang mga isinagawang dayalogo at pagpupulong, kabilang ang isang pagtitipon noong Hulyo 25 na pinangunahan umano ng isang non-political body at respetadong lider-relihiyoso ng mga Teduray.
Gayunman, sinabi ng TJG na hindi pa rin nagkaroon ng common understanding sa papel ng mga rights holders at duty bearers, na nauwi sa kasalukuyang hindi pagkakaunawaan.
Sa huli, hinikayat ng TJG ang lahat na hayaang umusad ang proseso ng hustisya matapos ang desisyon ng Teduray Tribal Congress na magsampa ng mga kaso sa COMELEC at korte.
Nanawagan din ang grupo na itigil na ang mga palitan at pagpo-post sa social media na may kaugnayan sa isyu, dahil maaari umano itong hindi makatulong sa paglutas ng hindi pagkakaunawaan.

















