Nagkasundo ang United Bangsamoro Justice Party o UBJP at si Basilan Governor Mujiv Hataman na isulong ang isang mapayapa, malaya at tapat na First Bangsamoro Elections na nakatakda sa Setyembre 14, 2026.
Ito ay matapos ang pagbisita ni UBJP President at MILF Chairman Alhaj Murad Ebrahim kay Governor Hataman sa Basilan Government Center kahapon, Agosto 17.
Sa kanilang pag-uusap, binigyang-diin ng dalawang lider ang kahalagahan ng malayang pagboto at pagrespeto sa karapatan at obligasyon ng bawat botante.
Ayon kay Hataman, mahalaga rin ang voters’ education campaign upang matulungan ang mga Basilanense na maging mapanuri sa pagpili ng kanilang magiging kinatawan sa Bangsamoro Parliament.
Samantala, tiniyak ni Ebrahim na mananatiling nakatuon ang MILF sa pagsusulong ng mapayapang halalan at handang humingi ng legal na mandato mula sa mamamayan sa pamamagitan ng malaya at patas na eleksyon.
Matapos ang kanilang pagpupulong, nanguna si Ebrahim kasama ang iba pang mga UBJP nominees at candidates sa campaign sortie ng partido sa iba’t ibang bahagi ng Basilan.
Layunin ng aktibidad na makipagdayalogo sa mga lokal na lider, alamin ang kalagayan at mga isyu sa probinsya, at makuha ang suporta ng mahigit 248-libong rehistradong botante sa Basilan para sa darating na halalan.

















