Naglabas ng paglilinaw ang Bangsamoro Darul-Ifta kaugnay sa kumakalat na post tungkol sa umano’y matagal na pagkaantala ng sweldo ng kanilang mga Community Peace Advocates o CPAs.
Ito ay matapos maglabas ng social media post si Atty. Allanuddin Sulaik Hassan, kandidato sa Parliamentary Elections sa 2nd District ng Special Geographic Area o SGA, na nagtatanong kung bahagi umano ng tinatawag na “Moral Governance” ang pitong buwang pagkaantala sa sweldo ng mga Ulama.
Sa naturang post, iniugnay rin ni Hassan ang isyu sa umano’y “politika” at “poverty program,” na umani naman ng mga reaksiyon mula sa ilang netizens.
Sa opisyal na pahayag ng Bangsamoro Darul-Ifta, nilinaw nitong ang pagkaantala sa sahod ng mahigit isang libong Community Peace Advocates ay hindi dahil sa pulitika o kapabayaan ng tanggapan.
Ayon sa Darul-Ifta, kabilang sa naging dahilan ang administrative at banking concerns sa proseso ng payroll, kabilang ang mga dokumentong hindi agad naisumite ng ilang CPAs na nakaapekto umano sa tinatawag na “reversion of fund.”
Ipinaliwanag din ng tanggapan na direktang ipinapasok sa LandBank ATM accounts ang sahod ng mga CPA, ngunit may ilang account umano na na-block o kinailangang i-update matapos ma-withdraw ang maintaining balance.
Dahil dito, kinailangan umanong makipag-ugnayan ng tanggapan sa Office of the Chief Minister para sa pag-update ng mga account number at iba pang kinakailangang detalye.
Ayon pa sa Darul-Ifta, nasa iisang payroll ang mga CPA kaya ang problema sa account number o kakulangan ng dokumento ng ilan ay maaaring makaapekto sa release ng sahod sa lahat ng lalawigan.
Tungkol naman sa alegasyon ng salary splitting sa Lanao del Sur, sinabi ng tanggapan na wala itong kinalaman dito dahil lampas na umano ito sa kanilang hurisdiksyon at kontrol.
Nanawagan ang Darul-Ifta sa publiko na iwasang magpakalat ng hindi beripikado o hindi tumpak na impormasyon na maaaring magdulot ng kalituhan sa mga CPA at publiko.
Samantala, matapos lumabas ang naturang clarification, nag-post muli si Hassan at sinabing nakatanggap siya ng impormasyon na halos lahat ng mga Ulama ay nabigyan na ng kanilang sahod, kasabay ng pahayag na, “kadsukor na aksyonan agad.”
Wala namang nakasaad sa mga pahayag kung humingi ng karagdagang paliwanag si Hassan sa Darul-Ifta bago niya unang inilabas ang kanyang social media post.
Ang usapin ay lumilitaw habang papalapit ang 2026 Bangsamoro Parliamentary Elections, kung saan kabilang si Hassan sa mga naghahangad na makakuha ng puwesto sa Bangsamoro Parliament.
Patuloy na hinihikayat ang mga kandidato at publiko na tiyaking beripikado ang mga impormasyong inilalabas hinggil sa paggamit ng pondo ng pamahalaan at iba pang usaping may kinalaman sa serbisyo publiko.
Home Local News Umano’y iresponsabling pahayag ni Atty. Allanudin Hassan sa sweldo ng mga ulama,...

















