Posibleng bumaba ang presyo ng diesel at gasolina sa susunod na linggo, batay sa pinakahuling galaw ng pandaigdigang oil market.

Tinatayang nasa P3.50 hanggang P4.00 kada litro ang maaaring ibawas sa presyo ng diesel, habang P0.25 hanggang P0.75 kada litro naman ang posibleng bawas sa gasolina, ayon sa isang source mula sa oil industry.

Ang projection ay batay sa naging takbo ng Mean of Platts Singapore (MOPS) at foreign exchange averages sa nakalipas na apat na araw.

Ayon sa source, nakatulong sa pagbaba ng presyo ng langis ang mas mababang epekto sa suplay ng inaasahang sanctions ng United States, kumpara sa posibilidad ng paglala ng tensyong militar.

Inaasahang maglalabas ng opisyal na price adjustment ang mga oil company sa Lunes, na karaniwang ipinatutupad sa mga susunod na araw.

Matatandaang noong Agosto 25, nagtaas ng P1.08 kada litro ang gasolina, P2.31 kada litro ang diesel, at P0.09 kada litro ang kerosene.

Ito na ang ika-34 na price movement sa fuel products ngayong taon, na nagresulta sa net increase na P54.92 kada litro sa gasolina, P59.06 sa diesel, at P51.65 sa kerosene.