Isang loose firearm ang boluntaryong isinuko sa 38th Infantry (We Clear) Battalion (38IB) matapos kumalat sa social media ang isang video na nagpapakita ng isang indibidwal na may hawak na baril habang dumaraan sa isang detachment ng militar sakay ng kanyang sasakyan.

Dahil sa naturang viral video, agad na nagsagawa ng koordinasyon ang mga kinauukulang ahensya, na nagresulta sa mapayapang pagsuko ng armas.

Ang turnover ay isinagawa sa tulong ng Local Government Unit (LGU) ng Datu Salibo, Maguindanao del Sur sa pamumuno ni Mayor Ali K. Omar noong Abril 21, 2026.

Kabilang sa isinuko ang isang Cal. 5.56mm NATO rifle, dalawang long magazines, 46 na bala ng 5.56mm, at isang Tasco ProPoint red dot sight.

Pinuri ni Lt. Col. Erwin E. Felongco, commanding officer ng 38IB, ang LGU ng Datu Salibo sa agarang aksyon at aktibong pakikiisa sa kampanya laban sa mga loose firearms.

Samantala, kinilala rin ni Brig. Gen. Edgar L. Catu, commander ng 601st Brigade, ang maayos na koordinasyon ng militar, lokal na pamahalaan, at komunidad na nagresulta sa matagumpay na pagsuko ng armas.

Ayon kay Maj. Gen. Jose Vladimir R. Cagara, commander ng JTF Central at 6ID, patuloy ang kanilang panawagan para sa mas pinaigting na kooperasyon ng publiko at tamang paggamit ng social media upang makatulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa rehiyon.