Naaresto ng mga operatiba ng PNP ang isang 18-anyos na lalaki sa isang buy-bust operation kagabi sa Sitio Lumpong, Poblacion Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.


Kinilala ang suspek na si Ali Salgan Mindo, isang magsasaka mula sa Talitay, Maguindanao del Norte.
Ayon sa ulat ng Datu Odin Sinsuat Police, nakatanggap sila ng sumbong mula sa isang concerned citizen hinggil sa ilegal na aktibidad ng suspek at ng kasama nitong si alyas “Hens.”


Sa ikinasang operasyon, nasakote si Mindo at nakumpiska mula sa kanya ang hinihinalang shabu na may timbang na 5 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng ₱34,000.


Kasalukuyang nakakulong na si Mindo habang tinutugis pa ng mga awtoridad ang kanyang kasamahan na mabilis na tumakas matapos ang operasyon.