Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang dalawang Low Pressure Area (LPA) na maaaring magdulot ng pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa tala ng PAGASA alas-3:00 kaninang madaling-araw, namataan ang unang LPA sa paligid ng Baggao, Cagayan, habang ang ikalawa ay nasa katubigan ng Balaoan, La Union.
Dahil sa epekto ng mga LPA, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, at Central Luzon. Nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa bunsod ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.
Samantala, patuloy namang nakaaapekto ang Habagat o Southwest Monsoon sa Metro Manila, CALABARZON, Occidental at Oriental Mindoro, Marinduque, Antique, Iloilo, at Guimaras, kung saan inaasahan din ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at mga thunderstorm.
Sa natitirang bahagi ng bansa, kabilang ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga pulo-pulong pag-ulan at pagkidlat dulot ng localized thunderstorms. Posible pa rin ang biglaang pagbaha o pagguho ng lupa kapag may matinding thunderstorm.

















