Nakaligtas sa tangkang pagpatay ang dalawang opisyal ng barangay matapos pagbabarilin ang kanilang sasakyan sa Barangay Taviran, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, pasado alas-singko ng hapon noong Martes, Marso 25.

Batay sa ulat ng Datu Odin Sinsuat PNP, minamaneho ni Barangay Kagawad Nasrula Saban ang isang Ford Raptor na may plate number na MAM 3302 nang biglang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek. Kasama niya sa sasakyan si Rey Bermudez, ang Barangay Secretary ng Barangay Nekitan.

Walang tinamaan ng bala sa insidente, subalit nagtamo ang dalawa ng minor injuries mula sa bubog ng basag na salamin ng sasakyan. Ayon sa imbestigasyon, galing Cotabato City ang mga biktima at patungo sa Dalican, Datu Odin Sinsuat nang mangyari ang pananambang. Sa kabila nito, nagawa pa ni Saban na imaneho ang sasakyan hanggang sa isang military detachment sa Barangay Bitu upang humingi ng tulong.

Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang motibo at mga nasa likod ng insidente.