Nakipagpalitan ng putok sa mga pulis ang tatlong lalaking wanted sa kasong murder sa Barangay Daguan, Kapatagan, Lanao del Sur, na tumagal nang halos dalawang oras kahapon ng umaga September 9.
Ayon sa PRO-BAR, nagsasagawa ng mobile patrol ang mga tauhan ng Kapatagan Municipal Police Station, 1401st Regional Mobile Force Company, RMFB 14-A at 2nd Provincial Mobile Force Company nang mamataan ang tatlong suspek.
Kinilala ang mga ito bilang sina alyas Aleo alyas Ali at alyas Per, pawang residente ng Barangay Buenavista, Balabagan, Lanao del Sur.
May mga warrant of arrest umano ang tatlo kaugnay sa kasong murder sa ilalim ng Criminal Case No. 1268-2025 na inilabas ng Regional Trial Court Branch 12 sa Malabang, Lanao del Sur, at walang inirekomendang piyansa para sa kanilang pansamantalang paglaya.
Batay sa ulat ng pulisya, nang mapansin ng mga suspek ang mga awtoridad ay pinaputukan umano nila ang mga tauhan ng PNP, na nauwi sa matagal na palitan ng putok.
Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa magkabilang panig.
Nakatakas ang tatlong suspek matapos ang engkuwentro, kaya agad nagsagawa ang pulisya ng clearing at hot pursuit operations at nagpatupad ng mga checkpoint sa mga karatig na lugar upang matunton ang mga ito.

















