Isinuko sa mga awtoridad ang kabuuang 43 iba’t ibang uri ng maluwag o hindi lisensyadong baril sa bayan ng South Upi noong Pebrero 16, 2026, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya para sa kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.

Pinangunahan ang pagtanggap ng mga armas ni Lt. Col. Aeron T. Gumabao, Commanding Officer ng 57th Infantry Battalion, sa ilalim ng pagpapatupad ng Small Arms and Light Weapons Management Program ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU.

Ang hakbang ay kaakibat ng Philippine National Action Plan on Women, Peace and Security at sumusuporta rin sa layunin ng Municipal Task Force to End Local Armed Conflict na wakasan ang insurhensiya sa lugar.

Pormal na itinurn-over ang mga isinukong baril kay Brig. Gen. Michael A. Santos, Commander ng 603rd Brigade, sa presensya ni Mayor Helen A. Padua at mga kinatawan ng OPAPRU, na nagpapakita ng koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Kabilang sa mga isinuko ang matataas na kalibreng armas gaya ng M16 rifles na may M203 grenade launcher, M14 rifles, .50 caliber rifles, M1 carbines, Garand rifles, mga pistola at rebolber, Uzi submachine gun, M79 grenade launchers, 12-gauge shotgun, at mga improvised firearms.

Ayon kay Brig. Gen. Santos, ang pagdami ng mga boluntaryong nagsusuko ng armas ay indikasyon ng lumalakas na tiwala ng komunidad sa mga programa ng gobyerno para sa kapayapaan.

Samantala, sinabi ni Maj. Gen. Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, na bunga ito ng tuluy-tuloy na pakikipag-ugnayan ng militar sa mga lokal na pamahalaan at komunidad.

Patuloy naman ang kampanya ng 6th Infantry Division katuwang ang mga lokal na opisyal at partner agencies upang tuluyang wakasan ang armadong tunggalian at matiyak ang mas ligtas na kapaligiran sa Maguindanao del Sur.