Nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng pagbuo ng isang sama ng panahon sa silangang bahagi ng kanilang monitoring area sa unang linggo ng Mayo.

Ayon sa Tropical Cyclone Threat Potential Forecast na inilabas noong Abril 30, posibleng mabuo ang isang tropical cyclone-like vortex o TCLV sa loob ng Philippine Monitoring Domain mula Abril 30 hanggang Mayo 6.

Batay sa mga forecast model, inaasahang maaaring mabuo ang weather disturbance malapit sa silangang hangganan ng monitoring area, na may mababa hanggang katamtamang tsansa na maging ganap na tropical cyclone sa unang linggo ng forecast period.

Sa ikalawang linggo, mula Mayo 7 hanggang 13, inaasahang kikilos ito pahilagang-kanluran at posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR), partikular sa hilagang-silangang bahagi nito.

Mayroon pa rin itong mababa hanggang katamtamang posibilidad na lumakas habang papalapit sa bansa.

Dahil dito, itinaas ng PAGASA ang tropical cyclone threat potential sa antas na “likely” sa loob ng dalawang linggong forecast period.

Patuloy namang minomonitor ng ahensya ang galaw ng sama ng panahon at maglalabas ng updates sakaling magkaroon ng pagbabago sa forecast.