Tuluyan nang pinatalsik sa serbisyo ng National Police Commission ang 11 pulis matapos mapatunayang may administratibong pananagutan sa mga kasong may kaugnayan sa pagdukot na iniuugnay sa kontrobersyal na pagkawala ng ilang sabungero noong 2021.

Sa inilabas na pahayag ng komisyon, nahatulan ang mga nasabing tauhan ng dating Regional Drug Enforcement Unit ng National Capital Region Police Office dahil sa dalawang bilang ng Grave Misconduct at dalawang bilang ng Conduct Unbecoming of a Police Officer.

Nag-ugat ang kaso sa mga reklamong inihain noong Setyembre 2025 ng mga nagrereklamong ina na sina Milagros Estacio at Elizabeth Sotto, na kapwa nag-akusang sangkot ang mga pulis sa pagkawala ng kanilang mga anak sa magkahiwalay na anti-drug operations noong 2021.

Batay sa imbestigasyon, umano’y dinukot si Dane Mark Carlos sa Maynila noong Pebrero 17, 2021, habang si Charles Dean Sotto naman ay napaulat na sapilitang kinuha sa Las Piñas noong Marso 24 ng kaparehong taon.

Sa isinagawang pagdinig, lumitaw rin ang posibleng koneksyon ng dalawang insidente sa mas malawak na usapin ng mga nawawalang sabungero, dahilan upang palalimin pa ng komisyon ang pagsisiyasat.

Ayon sa NAPOLCOM, ang naturang mga kilos ay malinaw na paglabag sa Memorandum Circular No. 2016-002, na nagtatakda na ang kidnapping ay isang mabigat na administratibong paglabag at maituturing ding asal na hindi karapat-dapat sa isang alagad ng batas.