Nasawi ang anim na armadong indibidwal matapos umanong makipagpalitan ng putok sa mga operatiba ng PNP at AFP sa Barangay Balong, Tugunan, SGA-BARMM, kamakalawa noong Setyembre 19.
Isinagawa ang operasyon para ipatupad ang warrant of arrest laban sa isang indibidwal na nahaharap sa kasong carnapping with homicide.
Pinangunahan ang operasyon ng Maguindanao del Norte Police Provincial Office at Tugunan Municipal Police Station, katuwang ang mga yunit ng AFP at Philippine Air Force.
Ayon sa ulat, pinaputukan umano ng target at mga kasama nito ang mga operatiba habang papalapit ang mga ito sa kanilang kinaroroonan, na nauwi sa palitan ng putok.
Narekober sa lugar ang limang baril, kabilang ang apat na M16 rifle at isang Garand rifle.
Nakatulong umano sa pagtukoy sa kinaroroonan ng grupo ang impormasyong ibinahagi ng mga residente kaugnay ng mga insidente at pang-aabusong iniuugnay sa grupo.
Kasunod ng insidente, nasa 350 residente ang pansamantalang lumikas at kasalukuyang nananatili sa dalawang evacuation center.
Patuloy naman ang koordinasyon ng mga kinauukulang ahensya at lokal na pamahalaan para sa seguridad at pangunahing pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan.
Ayon sa mga lokal na opisyal at ilang residente, iniuugnay sa naturang grupo ang ilang ilegal na aktibidad, kabilang ang motornapping, cattle rustling at ilegal na kalakalan ng droga.
Samantala, sinabi ng mga awtoridad na patuloy ang koordinasyon ng mga security forces at lokal na pamahalaan para sa pagpapanatili ng seguridad sa Tugunan at pagtugon sa pangangailangan ng mga residenteng lumikas.

















