Patay ang dalawang armadong lalaki matapos ang isang engkwentro sa kahabaan ng provincial road sa Barangay Tuka, Mamasapano kahapon, Biyernes, Agosto 29, 2025.

Ayon sa ulat ng Police Regional Office–BAR, nagsimula ang insidente dakong alas-12:25 ng tanghali matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa putukan sa naturang lugar.

Agad na rumesponde ang Mamasapano Municipal Police Station sa pamumuno ni PLT Lou Christian Villones, at natagpuan ang bangkay ng dalawang lalaki na parehong may tama ng bala. Kinilala ang mga ito na sina Muha K. Gamba at Nasir Akmad, kapwa residente ng Barangay Satan, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur.

Mula sa pinangyarihan, narekober ng mga pulis ang isang motorsiklo, dalawang cal. .45 pistola na may magazine, isang M1 Garand rifle, at isang improvised hand grenade.

Patuloy pa ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang alamin ang iba pang detalye hinggil sa naturang engkwentro.