Isang nakakagulat na pangyayari ang bumungad sa mga residente ng Barangay Anonang matapos matuklasan na ang babaeng unang nag-ulat ng natagpuang bagong silang na sanggol sa kulungan ng baboy ay siya pala mismo ang ina nito.
Kinilala ng mga awtoridad ang babae sa alyas na “Ana,” 20-anyos. Ayon sa ulat ng pulisya, sinabi umano ni Ana na natagpuan niya ang sanggol habang kasama ang kanyang dalawang taong gulang na anak sa isang pigpen sa naturang barangay.
Ngunit kinabukasan, napansin ng mga imbestigador ang kakaibang kilos ni Ana maputla, balisa, at may mga bahid ng dugo sa kanyang damit at binti. Dahil dito, masusing inusisa ng mga pulis ang kanyang kalagayan hanggang sa umamin ito na siya mismo ang nanganak at itinago ang sanggol dahil umano sa matinding hiya.
Kinumpirma rin ng isinagawang medical examination na bagong panganak si Ana. Agad namang inaksyunan ng mga awtoridad ang sitwasyon si Ana ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), habang ang sanggol naman ay dinala sa ospital at nasa maayos na kondisyon.
Patuloy ang imbestigasyon ng Leon Municipal Police Station upang matukoy kung may dapat pang isampang kaso laban sa babae, habang pinapaalalahanan naman ng mga opisyal ang publiko na humingi ng tulong sa mga kinauukulan sa halip na gumawa ng mapanganib na hakbang sa ganitong mga sitwasyon.