Nauwi sa trahedya ang isang aksidente sa Barangay Lanao, Kidapawan City matapos mabundol ang isang guro ng motorsiklo pasado alas-sais ng gabi nitong Miyerkules, Oktubre 29, 2025.
Kinilala ang biktima na si Teacher Jeconi Joice “Joyce” Paler, 33 anyos, guro sa University of Southern Mindanao–Kidapawan City Campus (USM-KCC). Ayon sa mga ulat, agad siyang isinugod sa ospital matapos ang insidente ngunit binawian ng buhay madaling-araw ng Huwebes dahil sa matinding pinsala sa ulo.
Batay sa imbestigasyon, minamaneho ng isang 23-anyos na lalaki na kinilalang si Christian Curato, residente rin ng lungsod, ang motorsiklong Honda Click 125i na bumangga sa guro. Dahil sa lakas ng tama, tumilapon umano si Teacher Joyce at nagtamo ng malubhang sugat sa ulo.
Patuloy namang nagpapagaling sa pagamutan ang drayber ng motorsiklo.
Lubos ang dalamhati ng mga kasamahan at estudyante ni Teacher Joyce na inilarawan siya bilang isang masipag, mabait, at inspirasyon sa kapwa guro. Isa rin siyang anak ng pastor at naiwan niya ang kanyang asawa at mga anak.
Samantala, muling pinaalalahanan ng Kidapawan City PNP ang mga motorista na mag-ingat sa kalsada, sumunod sa mga batas trapiko, at maging responsable upang maiwasan ang ganitong mga insidente.

















