Nasawi ang isang kasapi ng Philippine Army matapos aksidente umanong mabaril ang sarili sa loob mismo ng kanilang barracks sa Bravo Company, 6th Infantry Battalion, 6th Infantry Division sa Barangay Capiton, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong Sabado ng gabi, bandang alas-9:00.

Kinilala ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station ang biktima na si Private John Sorongon, miyembro ng Philippine Army, nasa wastong gulang, walang asawa, at residente ng Esperanza, Sultan Kudarat.

Ayon sa ulat ng pulisya, nakarinig umano ng putok ng baril ang isang kabaro ng biktima na si Corporal Dupa. Nang puntahan ang pinanggalingan ng putok, natagpuan nitong wala nang buhay si Sorongon at may tama ng bala sa katawan.

Agad namang rumesponde ang Datu Odin Sinsuat PNP upang magsagawa ng imbestigasyon. Sa lugar ng insidente, natagpuan malapit sa katawan ng biktima ang isang T4 assault rifle, na ngayon ay nasa kustodiya ng Regional Forensic Unit – PRO BAR para sa mas malalim na pagsusuri at imbestigasyon.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang tunay na dahilan at mga pangyayari sa likod ng insidente.