Ipinagpatuloy ng Philippine Coast Guard (PCG) ang dive operations at search and rescue activities kaugnay ng lumubog na barkong MV Trisha Kerstin 3 ngayong Pebrero 7, 2026, matapos bumuti ang lagay ng panahon at kondisyon ng karagatan sa lugar ng insidente.

Sa muling pagsisimula ng operasyon, nagsagawa ang PCG Technical Diving Group, sa pangunguna ni Commander Cheska Jamorol, ng masusing external scanning sa nakalubog na sasakyang-dagat. Layunin nitong suriin ang kalagayan ng barko at tukuyin ang posibleng ligtas na entry points bago isagawa ang anumang penetration dive.

Ayon sa PCG, mahalaga ang nasabing hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga diver at mas maayos na maisagawa ang mga susunod na yugto ng operasyon, alinsunod sa itinakdang safety protocols.

Sa pinakahuling tala, umaabot na sa 316 ang bilang ng mga nailigtas, habang 45 naman ang kumpirmadong nasawi sa insidente. Patuloy ang koordinasyon ng PCG sa iba’t ibang ahensya habang inaasahang maglalabas ng karagdagang update kaugnay ng operasyon.