Mahigpit na kinondena ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) ang mga kumakalat na social media posts at videos kaugnay ng umano’y pang-aabuso at maltreatment sa isinagawang reception rites na kinasangkutan ng ilang personnel ng Regional Mobile Force Battalion 14B (RMFB-14B) sa Lamitan City, Basilan.
Bilang agarang tugon, inatasan ni PBGEN Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO BAR, ang pagkaka-relieve ng lahat ng personnel na nakatalaga sa RMFB-14B Headquarters, kabilang ang mga sangkot sa insidente. Ang mga ito ay inilagay sa kustodiya ng Regional Personnel Records Management Division – Regional Police Holding and Accounting Section (RPRMD-RPHAS) sa Parang, Maguindanao del Norte, habang pansamantalang pinalitan ng mga personnel mula sa RMFB-14A upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon at mapanatili ang integridad ng isinasagawang imbestigasyon.
Personal ding nagtungo si PBGEN De Guzman sa Lamitan City upang kamustahin ang kalagayan at kapakanan ng mga bagong talagang patrolmen at patrolwomen, at tiniyak sa kanila na magkakaroon ng makatarungan, masinsinan, at patas na imbestigasyon.
Sa ilalim ng prinsipyo ng command responsibility, haharap sa administratibong parusa ang mga nagpabaya o naging negligent na supervisor, habang administratibo at kriminal na kaso naman ang isasampa laban sa mga direktang sangkot sa insidente.
Tiniyak ng PRO BAR sa publiko na ang nasabing usapin ay tinutugunan nang may seryosidad, transparency, at paggalang sa due process, alinsunod sa adhikain ng PNP na makapaghatid ng tapat at makataong serbisyo sa mamamayan.

















