Ipinahayag ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) ang matinding suporta nito sa agarang pagsasagawa ng unang Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) at nanawagan sa lahat ng sangay ng pamahalaan na igalang ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa itinakdang schedule ng halalan.
Sa posisyong papel na iniharap sa Senate Committee noong Pebrero 5, 2026, iginiit ng UBJP na ang halalan ay dapat isagawa bago matapos ang Marso 2026, alinsunod sa direktiba ng korte sa kasong Lanang Ali Jr. et.al. vs Bangsamoro Transition Authority (BTA). Ayon sa partido, paulit-ulit na naantala ang BPE mula pa noong May 2022 hanggang sa kasalukuyang petsa ng Marso 30, 2026, dahil sa hindi pagtupad ng BTA sa itinakdang deadline para sa redistricting law.
Ayon sa UBJP, ang pagmamadali ng BTA Parliament noong Enero 28, 2026 sa pag-amyenda ng Bangsamoro Electoral Code (BEC) ay nagdulot ng malaking epekto sa mga paghahanda ng COMELEC sa nakaraang tatlong taon. Kabilang sa mga binago ang pagbawas sa minimum na miyembro ng regional political parties mula 10,000 hanggang 5,000, pagpapababa ng vote threshold mula 4% hanggang 2.5% upang makakuha ng puwesto sa parlamento, pagbawi at muling pag-isyu ng sertipikasyon ng sectoral organizations, pati na ang akreditasyon ng ilang political parties. Kabilang din ang utos sa COMELEC na maglabas ng bagong Implementing Rules and Regulations (IRR) sa loob ng 30 araw mula sa bisa ng batas at pagbabago sa paraan ng eleksyon ng mga sectoral representatives mula sa sectoral assemblies patungo sa direktang pagboto ng mga miyembro ng sektor.
Binabala ng UBJP na ang mga pagbabagong ito ay red flags na posibleng magdulot ng panibagong pagkaantala sa halalan at nakasisira sa tiwala ng taumbayan sa proseso ng eleksyon. Ayon pa sa partido, pagod na ang mga botante at kandidato sa paulit-ulit na proseso ng rehistro, sertipikasyon, at accreditation na nauuwi lamang sa postponement.
Nanawagan ang UBJP sa Kongreso, BTA, at COMELEC na igalang at panatilihin ang legal na status ng mga akreditadong political parties at sectoral organizations, ipatupad ang eleksyon ng sectoral representatives ayon sa Bangsamoro Electoral Code at COMELEC IRR sa pamamagitan ng sectoral assemblies upang maiwasan ang pagkakait ng boto sa marginalized sectors, at huwag payagan ang mga huling amyenda ng BTA Parliament na magdulot ng panibagong pagkaantala sa halalan.
Ayon sa UBJP, ang unang Bangsamoro Parliamentary Election ay hindi ordinaryong halalan. Ito ay bahagi ng pangako ng National Government at MILF, at pinagmamasdan ng international community bilang bahagi ng implementasyon ng peace agreement. Nanawagan ang partido na huwag hayaang malampasan ng realpolitik ang mga estratehikong layunin ng proseso ng kapayapaan.
Sa huli, tiniyak ng UBJP ang kanilang handang makiisa sa pagtatakda ng bagong petsa ng halalan upang matiyak na ito ay maisasagawa nang malinis, malaya, at may katapatan.

















