Lumabas sa mga dokumentong inilabas ng United States Department of Justice na umanong nag-hire ang yumaong sex offender na si Jeffrey Epstein ng isang team na naka-base sa Pilipinas upang burahin at takpan ang mga negatibong impormasyon tungkol sa kanya sa internet.

Batay sa mga dokumento ng DOJ, kabilang sa ebidensiya ang mga email exchange nina Epstein at ni Al Seckel—na asawa ng kapatid ni Ghislaine Maxwell, ang dating kasintahan at pangunahing katuwang ni Epstein sa umano’y sex trafficking ng mga menor de edad. Si Maxwell ay nahatulan noong 2021 kaugnay ng mga krimeng isinangkot kay Epstein.

Sa mga email, inilarawan ni Seckel ang isang organisadong kampanya para manipulahin ang online search results at ilihis ang atensyon mula sa mga alegasyon laban kay Epstein. Kabilang dito ang paglikha ng mga positibong website at link na naglalarawan kay Epstein bilang isang philanthropist at tagasuporta ng mga proyekto sa agham, sports, at iba pang larangan.

Sa isang email noong Disyembre 7, 2010, sinabi ni Seckel kay Epstein na natanggal na umano sa Google search suggestions ang mga salitang “Jeffrey Epstein jail” at “Jeffrey Epstein pedophile,” na aniya’y tinrabaho ng isang Philippine-based team.

“Our group in the Philippines is building links and links to our sites, pseudo sites, and the other Jeffrey Epsteins of the world,” ayon pa kay Seckel sa isang email noong Oktubre 2010.

Ayon sa DOJ, libo-libong magkakaugnay na links ang ginamit upang manipulahin ang resulta ng mga search engine at itulak pababa ang mga negatibong balita tungkol kay Epstein.

Binanggit din sa mga email ang pag-edit sa Wikipedia page ni Epstein. Sa isang mensahe noong Disyembre 16, 2010, inilarawan ni Seckel bilang isang “important victory” ang pagkontrol sa nilalaman ng pahina dahil madalas umano itong lumalabas sa unahan ng search results.

“Ngayon, hindi na binabanggit sa mga headline ang pagiging convicted sex offender o pedophile. Sa halip, philanthropic work, Epstein Foundation, at promotion of scientists,” ayon kay Seckel.

Si Jeffrey Epstein ay inaresto noong 2019 sa kasong sex trafficking at pang-aabuso sa mga menor de edad sa Estados Unidos at iba pang bansa. Siya ay natagpuang patay sa loob ng kulungan sa New York noong parehong taon habang hinihintay ang kanyang paglilitis.