Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa kilalang suspek sa Brgy. Kauran, Ampatuan, Maguindanao del Sur, nitong Pebrero 20, 2025 bandang alas-5:20 ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Norodin, nakatira sa 111 Bayan Street, New Lower Bicutan, Taguig City, Metro Manila. Ayon sa ulat ng Ampatuan Municipal Police Station (MPS), natagpuan ang biktima nakahiga sa lupa, may tama ng bala sa ulo at kanang braso, na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Dalawang suspek ang iniuugnay sa insidente na sakay ng isang itim na Honda XRM. Nakasuot ng brown na pang-itaas na damit ang driver, habang ang back rider ay nakasuot ng itim na pang-itaas na may bonnet.
Agarang rumesponde ang Ampatuan MPS, kasabay ng 1st at 2nd MP, pati na rin ang PMFC MDS.
Sa kasalukuyan, iniimbestigahan ng Ampatuan MPS kung residente ang biktima sa lugar o sa kalapit na munisipalidad, dahil ang address sa ID na nakuha mula sa kanyang bulsa ay nasa Metro Manila, malayo sa lugar ng pamamaril.
Kasabay nito, patuloy ang pagsisikap ng pulisya na matukoy at maaresto ang mga suspek.

















