Matapos ang masusi, patas, at komprehensibong imbestigasyon ng Coast Guard Inspector General and Internal Affairs Service (CGIG-IAS), naglabas na ng pormal na desisyon ang Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay sa paglubog ng MV Trisha Kerstin 3 noong Pebrero 24, 2026.

Ayon sa resulta ng administrative proceedings, apat na enlisted personnel mula sa Pre-Departure Inspection (PDI) Team ang natanggal sa serbisyo nang “dismissal without honor” dahil sa kabiguang magsagawa ng independiyenteng beripikasyon sa aktuwal na bilang ng pasahero at wastong dokumentasyon ng “load line markings” ng barko, na mga kritikal na hakbang upang matiyak ang kaligtasan sa paglalayag.

Isang Duty Officer Watch naman ang na-demote ng isang ranggo dahil sa kakulangan ng tamang pag-iingat at pagganap sa tungkulin.

Samantala, dalawang opisyal na nagsilbing Station Commander at Acting Station Commander ng Zamboanga ang sinuspinde ng isang taon nang walang sahod at inatasang sumailalim sa mandatory retraining sa wastong pamantayan ng ship inspection, epektibong superbisyon ng PDI teams, at pamamahala ng operasyon.

Ayon kay PCG Spokesperson Captain Noemie Cayabyab, ang desisyon ay malinaw na patunay na hindi kinukunsinti ng PCG ang anumang paglabag sa mga pamantayan ng kaligtasan sa karagatan. Dagdag pa niya, patuloy nilang palalakasin ang inspeksyon, pangangasiwa, at pagsasanay ng mga tauhan upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa dagat.

Bagamat nakatakdang magtapos noong Pebrero 26, 2026, tiniyak ng PCG na ang underwater operations ng Technical Diving Group ay magpapatuloy, kabilang ang pagpapatrolya sa katubigan, pakikipag-koordinasyon sa mga mangingisda, at kooperasyon sa ibang otoridad upang makamit ang hustisya at mapabuti ang pampublikong transportasyon sa karagatan.