Siyam na indibidwal, kabilang ang isang Chinese national, ang inaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isinagawang operasyon laban sa umano’y ilegal na pagmimina sa Brgy. Bacuyangan nitong Pebrero 26, 2026.

Pinangunahan ng CIDG Negros Occidental Provincial Field Unit, katuwang ang Department of Environment and Natural Resources – Mines and Geosciences Bureau sa Negros Island Region at mga lokal na yunit ng pulisya, ang operasyon na nagresulta sa pagkakasamsam ng tinatayang ₱17.5 milyong halaga ng kagamitan.

Kabilang sa mga nasabat ang dalawang backhoe, tatlong 10-wheeler dump truck, isang vibrating screen machine, dalawang kahon ng mga bote ng mercury, at isang automatic generator set control panel. Naaresto sa aktong umano’y nagsasagawa ng pagmimina ang mga suspek na kinilalang sina “Xiong,” isang Chinese national, at walong Pilipino na tinukoy sa mga alyas na “Bert, Joey, Chris, Rey, Leo, Randy, Dante, at Egay.”

Batay sa ulat na nakarating kay CIDG Director PMGen. Robert A.A. Morico II, nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa Mines and Geosciences Bureau hinggil sa umano’y ilegal na pagkuha at pagpoproseso ng mineral sa lugar nang walang kaukulang permit o kasunduan mula sa pamahalaan.

Ayon sa CIDG, walang mining rights o pahintulot mula sa Mines and Geosciences Bureau at iba pang kinauukulang ahensya ang operasyon ng mga suspek, dahilan upang ito ay ituring na labag sa batas.

Mahaharap ang mga naaresto sa kasong paglabag sa Section 102 (Illegal Exploration) at Section 103 (Theft of Minerals) ng Republic Act No. 7942 o Philippine Mining Act of 1995, kaugnay ng Section 3(c) ng Republic Act No. 7076 o People’s Small-Scale Mining Act of 1991.

Binigyang-diin ng CIDG na ang lahat ng yamang mineral sa loob ng teritoryo ng bansa ay pag-aari ng Estado, at responsibilidad ng pamahalaan na tiyakin ang wastong eksplorasyon at paggamit nito habang pinangangalagaan ang kalikasan at kapakanan ng mga komunidad.

Hinimok naman ng CIDG ang publiko na iulat ang anumang ilegal na aktibidad na sumisira sa kalikasan, kabilang ang ilegal na pagmimina, quarrying at pagtotroso, upang agarang maaksyunan ng mga awtoridad.