Isang sugatang Philippine Brown Deer, na kilala rin sa lokal na tawag na “seladeng,” ang matagumpay na nasagip sa Barangay Darugao, Maguindanao del Norte at agad na ipinasa sa mga awtoridad.
Sa kasalukuyan, ang wildlife ay nasa pangangalaga ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng First District kung saan isasagawa ang kinakailangang pagsusuri at rehabilitasyon bago ito maibalik sa ligaw nitong tirahan.
Ayon sa ulat, nadiskubre ni Antonio Legazpi, isang residente ng lugar, ang usa matapos itong maipit sa bakod ng kanilang binabantayang lupain. Agad niya itong iniulat sa mga kinauukulan upang matiyak ang kaligtasan ng hayop at maiwasan ang posibleng pinsala rito.
Paalala naman ng mga awtoridad sa publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang paghuli, pagpatay, at pangangalakal ng anumang uri ng wildlife alinsunod sa Philippine Wildlife Conservation and Protection Act.
Patuloy namang hinihikayat ang komunidad na makiisa sa pangangalaga ng mga ligaw na hayop at agad ireport sa mga awtoridad ang anumang kahalintulad na insidente upang maprotektahan ang mga ito at mapanatili ang balanseng ekolohiya sa lugar.

















