Isinagawa kamakailan ang Enhanced Managing Police Operations (EMPO) Challenge sa Cotabato City Police Office bilang bahagi ng pagsasanay at pagsusuri ng kakayahan ng mga pulis sa pagtugon sa mga sitwasyong nangangailangan ng agarang aksyon.

Ayon sa ulat, nagsimula ang aktibidad noong March 18, 2026, bandang 8:30 ng umaga sa pamamagitan ng isang Opening Ceremony na dinaluhan nina PCOL Carlito A. Narag Jr., Acting CRS; PCOL Carlos T. Madronio, Chief ng RLDDD; at PCOL Michael John C. Mangahis, Chief ng ROD, gamit ang Zoom platform.

Lumahok sa hamon ang lahat ng Police Station 1 hanggang Police Station 4, sa pangunguna ni PCOL Jibin M. Bongcayao, City Director, at PLTCOL Reynaldo V. Gabudao, DCDO. Ang EMPO Challenge ay isinagawa gamit ang iba’t ibang scenario-based exercises upang mataya ang kakayahan ng bawat yunit sa mabilis na pagtugon at tamang pamamahala sa sitwasyon.

Pagkatapos ng aktibidad, sinuri at nire-rate ng Acting Chief of Regional Staff ang mga kalahok base sa kanilang komunikasyon sa supporting units, agarang pagtugon, at paraan ng pamamahala sa sitwasyon. Sa pagtatapos, idineklara ang Police Station 3 bilang panalo sa hamon.

Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng layunin ng PRO BAR na palakasin ang kahandaan at kapasidad ng mga pulis sa buong rehiyon, kasabay ng pagpapaigting ng disiplina at koordinasyon sa loob ng kanilang mga yunit.