Naaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG ang isang lalaking matagal nang pinaghahanap ng batas kaugnay sa kasong pagpatay sa Midsayap, Cotabato.

Ayon sa ulat, isinagawa ang operasyon alas-1:30 ng hapon noong Marso 26, 2026 sa Barangay Bagua II, Cotabato City. Pinangunahan ito ng CIDG Cotabato City Field Unit katuwang ang Special Operation Team ng CIDG Regional Field Unit sa Bangsamoro Autonomous Region at mga lokal na pulis.

Kinilala ang naarestong suspek sa alyas na Misil, 48 anyos, may-asawa, at residente ng Special Geographic Area sa BARMM. Siya ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng korte sa Midsayap, Cotabato noong Disyembre 17, 2014 para sa kasong murder, na walang inirekomendang piyansa.

Batay sa ulat na nakarating sa pamunuan ng CIDG, mahigit labing-isang taon umanong nakapagtago ang suspek bago ito nadakip.

Sa imbestigasyon, sinasabing sangkot ang suspek kasama ang labing-isang iba pa sa pamamaril sa tatlong magkakapatid noong Hulyo 25, 2013 sa Midsayap, Cotabato. Iniuugnay ang insidente sa umano’y alitan ng mga angkan. Namatay sa insidente ang biktimang kinilalang si “Klara” dahil sa mga tama ng bala.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa kaukulang disposisyon at pagharap sa kaso.