Pinagbabaril ang isang 46-anyos na lalaki ng hindi pa nakikilalang suspek sa Brgy. Crossing Simuay, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte bandang alas-4:25 ng hapon kahapon, April 16, 2026, na nagresulta sa kanyang pagkasugat.
Kinilala ang biktima na si Abdul, may asawa, isang driver, at residente ng Brgy. Nekitan, Sultan Kudarat.
Lumabas sa paunang pagsisiyasat na ang biktima ay sakay ng motorsiklong payong-payong kasama ang kanyang asawa na si Zenaida na hindi naman nasaktan, nang bigla silang sundan ng isang motorsiklo na sinasakyan ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki. Dito na umano pinaputukan ang biktima gamit ang isang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang fired cartridge case, isang dud bullet, at limang live ammunition na nasa loob ng magazine.
Agad na isinugod ng mga concerned citizen ang biktima sa Cotabato Sanitarium and General Hospital para sa agarang lunas.
Samantala, patuloy ang hot pursuit operation ng Sultan Kudarat MPS laban sa mga suspek.

















