Arestado ang dalawang lalaki sa isang matagumpay na buy-bust operation na isinagawa bandang alas-8:20 ng gabi noong Abril 24, 2026 sa Palimbang, Sultan Kudarat.

Pinangunahan ang operasyon ng pinagsanib na pwersa mula sa Regional Intelligence Division (RID), Tracker Team Delta, RMFB 12 STF “PLUTUS,” at Drug Enforcement Team ng Palimbang Municipal Police Station (MPS), katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency Region XII. Isinagawa ito sa ilalim ng Pre-Operations Coordination No. 13-00-04242026-009.

Naganap ang operasyon sa Kapina Village, Barangay Poblacion, kung saan isang undercover na pulis ang nagsagawa ng transaksyon na nagresulta sa agarang pagkakaaresto ng mga suspek na sangkot umano sa ilegal na kalakalan ng droga.

Nasamsam sa operasyon ang tatlong (3) heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, at isang (1) limang daang pisong (₱500) bill na ginamit bilang marked money.

Naging maayos at organisado ang pagsasagawa ng operasyon, at sinaksihan ito ng kinatawan mula sa Charm Radio at ng Punong Barangay ng Poblacion upang matiyak ang transparency at tamang dokumentasyon.

Kaagad na ipinaalam sa mga suspek ang kanilang mga karapatang konstitusyonal bago dinala sa Palimbang MPS para sa kaukulang proseso. Samantala, ang mga nakumpiskang ebidensya ay isusumite sa forensic laboratory para sa pagsusuri.

Ayon sa mga awtoridad, ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng mga ahensiya ng gobyerno na sugpuin ang ilegal na droga at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.