Nasamsam ng pinagsanib na puwersa ng mga operatiba kontra droga ang tinatayang P3.4 milyong halaga ng hinihinalang shabu at naaresto ang isang high-value target (HVT) sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Pangao Saduc, Marawi City, Lanao del Sur noong Abril 27, 2026.
Pinangunahan ang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) – Lanao del Sur Provincial Office, katuwang ang iba’t ibang yunit ng seguridad kabilang ang 4th Mechanized Battalion/Task Force Marawi, 42nd Mechanized Company, 43rd Mechanized Battalion ng Philippine Army, Marawi City Police Station, 45th Special Action Company ng PNP-SAF, at PDEG SOU 15.
Kinilala ang naarestong suspek sa alyas na Jonairah o Alex, 39 taong gulang, at residente ng nasabing lugar.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang transparent na plastic bag na naglalaman ng puting kristal na substansiya na pinaniniwalaang shabu, na may tinatayang bigat na 500 gramo at standard drug value na P3,400,000. Narekober din ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy namang pinaigting ng mga awtoridad ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga sa rehiyon upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa komunidad.

















