Matagumpay na naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang national fugitive na may kasong murder at may nakalaang reward na Php 145,000 sa Brgy. Kinam, Malapatan, Sarangani noong Mayo 5, 2026 bandang alas-5 ng hapon.
Ayon sa ulat na natanggap ni PMGEN Robert AA Morico II, Direktor ng CIDG, ang inarestong suspek na nakilalang si “Toto,” lalaki, nasa legal na edad, may asawa, at residente ng Brgy. Kinam, Malapatan, ay may bisa na Warrant of Arrest for Murder (2 counts) na inisyu ng korte sa Sarangani noong Nobyembre 7, 2023. Siya ay nakalista bilang National Most Wanted Person (NMWP) alinsunod sa DILG Memorandum Circular.
Batay sa ulat, noong Abril 2, 2000, si Toto kasama ang siyam (9) niyang kasama sa krimen ay pinasabog ang tahanan ng dalawang pinsang lalaki sa Brgy. Kihan, Malapatan, Sarangani. Dala ang mga baril at bolos, sabay-sabay nilang binaril at hinack ang mga biktima na nauwi sa agarang pagkamatay ng mga ito.
Ang matagumpay na operasyon ay bahagi ng intensibong manhunt program ng CIDG, alinsunod sa mandato ng Chief ng Philippine National Police, POLICE GENERAL JOSE MELENCIO C. NARTATEZ, JR.
Pinuri ng pamunuan ng CIDG sina PCOL Annie M. Langcay, Regional Chief ng CIDG Regional Field Unit 12; PMAJ Julius A. Vallejo, pinuno ng CIDG Sarangani Provincial Field Unit; at ang Sarangani Provincial Intelligence Team (PIT) at mga territorial units para sa matagumpay na intel-driven na operasyon.
Ayon sa CIDG, ang pagkakahuli sa NMWP ay nagpapakita ng kanilang patuloy at walang kapantay na pagsisikap na habulin at panagutin ang lahat ng kriminal at wanted persons, at ng kanilang dedikasyon na magbigay ng hustisya sa mga biktima at kanilang pamilya.
Pinangako rin ng CIDG sa publiko na mananatili silang matatag at determinado sa pagsubaybay at pagdakip sa lahat ng wanted persons at fugitives saan man sa bansa.

















