Nasakote ng mga otoridad ang isang bagong tukoy na drug personality sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Banaba, Datu Abdullah Sangki, Maguindanao del Sur bandang alas-11:00 ng gabi noong Mayo 9, 2026.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Norodine” na nahuling nagbebenta umano ng ilegal na droga sa isang poseur-buyer.
Pinangunahan ang operasyon ng DAS MPS-MDEU sa pamumuno ni PLT Skylabernesto C. Guarin katuwang ang mga operatiba ng 2nd MP PMFC, PDEU-MDS PPO at PDEA-BARMM.
Batay sa ulat ng Maguindanao Del Sur Police Provincial Office o MDSPPO, nakumpiska mula sa suspek ang tinatayang 0.4 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na aabot sa P30,000 ayon sa Dangerous Drugs Board.
Narekober din ng mga otoridad ang marked money na isang P500 bill na may serial number AP9400369 gayundin ang ilang improvised drug paraphernalia.
Sa ilalim ng pamumuno ni Acting Provincial Director PCOL Michael John C. Mangahis, muling tiniyak ng MDS PPO ang pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga at kriminalidad sa lalawigan.
Kasalukuyang nakadetine ang suspek sa DAS Municipal Police Station habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon pa sa MDS PPO, magpapatuloy ang kanilang mga operasyon laban sa mga sangkot sa ilegal na droga upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa buong Maguindanao del Sur.

















